Uy, Naliligaw Ka Ba? :-)

Tuesday, August 15, 2006

para kay "jawo"


Taong 2000 noong una ko siyang nakilala. Unang araw pa lamang niya sa trabaho noon, maiksi pa ang kanyang buhok at mukha pang estudyante. Pero kung nakita mo siya noon hindi mo aakalaing isa pala siyang baguhan. Marahil dala na rin yun ng kumpiyansa niya sa sarili na mapapansin mo sa kanyang galaw at istilo ng pananalita. May pagka-astig kung baga. Kung tagalabas ka at bumisita ka noon sa opisina, iisipin mong isa na siyang beterana. Kakaiba talaga siya dahil wala pang apat na oras mula nang kami'y ipakilala sa isa't isa ay binara na niya ako. Pero ayos lang naman yun.

Ayos lang dahil sa dinamirami ng taong makakahalubilo ko sa buhay na ito, iilan lamang sa kanila ang masasabi kong makakaapekto talaga sa akin. Karamihan sa kanila, pagkatapos kong makilala, ay daraan lang na parang hangin. Hindi ko tuloy alam sa susunod naming pagkikita kung babatiin ko siya o magkukunwari na lamang ako na hindi ko siya napansin. Deadma na kung deadma. Kebs na kung kebs. Kaysa naman mapahiya ako dahil nakalimutan ko na ang pangalan niya.

May iba naman na makakaapekto sa akin sa negatibong paraan. Yung tipong kakakilala ko pa lang ay kumukulo na ang aking dugo. Wala pa siyang ginagawa ay mabigat na ng loob ko sa kanya. At kung may gawin man siya, wala na sa mga yun ang tumama. Pero aaminin ko, ang mga taong ito ang pinakamasarap pag-usapan. At kapag may gimik, hindi makukumpleto ang gabi kung wala ang pinakabagong kwento ng kanilang kabalbalan.

Ngunit kung papalarin ka, tulad ko, may makikilala kang ilang tao na agad mong makakagaanan ng loob. Na kahit ngayon lang kayo nagkita ay aakalain mong matagal na kayong magkakilala. At kahit na magkahiwalay kayong lumaki ay iisa lamang ang inyong trip. Sa huling kategoryang ito nabibilang ang kaibigan kong si Jo. Sa anim na taon naming pagkakaibigan, si Jo ang numero unong sumabay sa aking kakulitan, sumakay sa aking kabaduyan at sumalo sa aking kalokohan.

Isang linggo pa lang kaming magkakilala noon nang magsimula kaming magtawagan ng "Jawo", na mula sa pinaikling tawag sa pangalan ni Jaworski, na bunga ng pagkukulitan na wala namang pinagmulan. Mula noon, hindi na lamang kami magkapatid ni Jo sa kulitan, magkapareho pa kami ng pangalan. Mas bata man siya sa akin, marami pa rin akong natutunan sa kanya tulad ng pagbibigay importansya sa mga mahal sa buhay, ang pagiging totoo sa sarili at ang pagpapahalaga sa mga simpleng kaligayahan. Marami rin akong ginagamit na hirit at patawa na galing sa kanya. At wala siyang pakialam kung gasgasin man namin sa kauulit ang isang nakakatawang bagay. Tulad na lang ng "Wendy's tayo... SALAD!"

Ngunit higit pa sa mga walang-sawa naming kulitan, hindi ko makakalimutan ang mga alaala na iniwan niya sa akin. Hindi ko makakalimutan ang dedikasyon niya kay Winnie the Pooh. Hindi ko makakalimutan ang hilig niya sa lahat ng produktong patatas mapa-french fries man, crispy fries o kaya V Cut na kung tawagin niya ay "magnet". Hindi ko makakalimutan ang mga jamming namin sa pantry. Hindi ko makakalimutan kung paano namin "binarkada" noon si Jamby. Hindi ko makakalimutan kung paano niya ako pinilit na umuwi nung minsang ako'y nag-overtime para mapaghandaan at masorpresa niya ako sa aking kaarawan. Hindi ko makakalimutan kung paano kami halos maiyak sa katatawa sa mga walang kakwenta-kwentang mga bagay tulad ng "togue". Hindi ko makakalimutan kung paano lumalabas ang kanyang pagkakikay kapag kasama niya ang da girls at kung paano siya natutunaw sa piling ng kanyang baby. Hindi ko makakalimutan ang kanyang ngiti tuwing ikukuwento niya sa amin ang kanyang mga pamangkin. At hindi ko makakalimutan kung paano niya ako dinalaw at kinamusta sa mga panahon na ako'y lugmok at nangagailangan ng kasama.

Kaya kung meron man akong pinanghihinayangan sa loob ng anim na taon na yun, yun ay ang hindi ko pagsabi kay Jawo kung gaano ko siya kamahal bilang isang matalik na kaibigan. Ang masakit pa nun, alam ko kung ano ang pumigil sa akin -- pag-aalinlangan na baka ako ay mapagtawanan, takot na baka ako ay mapahiya, hiya na baka ako ay mabansagang senti. Kaya kung saan ka man naroon jawo, sana'y naging sapat na ang ating naging samahan para maiparamdam ko sa yo kung gaano ka kahalaga sa buhay ko. Hindi pa man napapatunayan, naniniwala akong magkikita tayo muli. At hanggang sa dumating ang panahong iyon, ikaw ay mananatili sa aking puso at alaala. Paalam sa yo Jawo at maraming salamat. Mahal na mahal kita.

* * * * *

Ang kaibigan kong si Jawo ay pumanaw noong Agosto 3, 2006. Ngayong agosto 15 sana ang kanyang ika-27 na kaarawan.

5 Comments:

Blogger Ms. Debauched said...

nakaka-antig ng damdamin ang isinulat mo.
nakikiramay ako sayo.

12:31 AM  
Blogger Krayola said...

pareho tayo. mga gan'ong simpleng bagay lang siguro para sa iba pero hinding-hindi ko malilimutan mula sa mgataong mahahalaga sa akin. ang tinutukoy ko ay ang mga pangungusap mong "hindi ko makakalimutan..." :)

1:25 AM  
Blogger Dos Ocampo said...

how sad...
it makes me ponder...
grabe...

6:41 PM  
Anonymous JOSA said...

gawd. so touched. anyway, jawo must have enhoyed his time with you also. saan man, sana ay mapayapa siya.

1:10 AM  
Anonymous Napadaan Lang said...

my sympathy goes to you. so sorry to "read" about your loss. mahirap talaga mawalan ng kaibigan, ng mahal sa buhay. she must be looking down at you with a smile for all the memories you have shared with her. nakaka-antig ng damdamin ang pagkakasulat mo ng tribute para sa kaibigan mo.

6:22 AM  

Post a Comment

<< Home