kwentong inihaw, barbecue at siomai

Isa na siguro sa mga hindi maitatagong senyales ng pagtanda ay ang ugaling magkumpara ng mga presyo ng bilihin noon sa mga presyo ng bilihin ngayon. Akala ko matatakasan ko ang ugaling ito. Pero mahirap pala lalo na't alam ko kung ano ang kayang bilhin noon ng P100. Isang daang piso kasi kada-araw ang baon ko noon sa kolehiyo. Doon ko na kinukuha lahat ng panggastos ko sa araw-araw -- pamasahe, pananghalian, merienda, pang gimik, lahat. Bahala na akong mag-budget. Kung may matira, pwede akong gumimik sa katapusan ng linggo. Kung wala naman, pasensya na lang.
At dahil ayaw namin ng barkada ko ang ma-out sa mga gimik, nauso sa amin ang magtipid. Dahil kung hindi ka makasama, bukod sa burot ka sa bahay, ikaw din ang paksa ng usapan sa gabing iyon. Kaya kung dati-rati ay sa labas ng paaralan kami madalas kumakain, nalipat kami sa ihawan sa may covered courts. Country Club naman kung tawagin iyon ng mga estudyante kaya sosyal na rin sa pandinig. Mga P40 din ang gastos namin doon kasama na softdrinks. Panalo na rin.
Nawili kami doon hanggang sa nauso sa amin ang siomai-rice. Bibili kami ng tatlong pirasong siomai sa caf (P10) at extra rice (P3). At dahil para kaming mga construction workers noon kung lumamon ng kanin, gagastos din kami ng mga P25-35 depende sa dami ng kanin at depende kung sasamahan namin ng softdrinks. Tiba-tiba na rin.
Isa sa mga pinakamaabilitad na tao na nakita ko sa pagkain ng siomai-rice ay ang kaibigan kong si Josh. "One is to two" ang ratio niya noon sa siomai at kanin. Kung baga sa isang siomai, dalawang kanin ang kaya niyang ubusin. Kaya siguro madali rin siyang nagsawa sa siomai-rice noon ay dahil halos toyo na nga naman ang kanyang inuulam.
Isang araw, naisipan niyang yayain ang isa pa naming kaibigan noon na kumain sa labas. Meron daw siyang natuklasang bagong karinderya sa tapat ng paaralan namin na nagbebenta ng barbecue. P20 ang isang stick. Mahal kung iisipin pero sulit naman daw dahil sobrang laki nung hati ng karne at konti pa ang taba. Wag na lang daw sila mag-softdrinks at damihan na lang daw nila ang kanin. Mukhang masarap naman yung barbecue dahil naka-limang extra rice sila pareho. Panalo na sana pero huli na nung malaman nila na ang isang order pala ng kanin ay P10. Kinabukasan, nagbalikloob siya sa siomai-rice.

9 Comments:
wow una ako sa pag comment sa kaloka lokang blog entry na ito na mukhang sang linggong pinag isipan lol.
una sa lahat, di ko maisip kung bakit bumibili pa kayo ng ulam eh samantalang mukhang wala rin naman kayong ulam ahihihi. at ang walang kamatayang barbecue, kulang na lang magkasugat-sugat na ang mga dila sa paghimod sa istik pag ubos na ang meat. masarap yan, lalu na kung isawsaw sa suka na may toyo at sili.
pero teka di ko alam kung para saan ang pictyur ng 100 pesos. mukhang bitin ang chuva mo kuya dahil ang akala ko sa pambungad na pananalita ay mag ku kumpara ka sa nabibili ng pera noon at ngayon subalit umizqueirda ka sa topic ng pagtitipid ng ulam, at doon na rin nagtapos ang chuva mo.
hay naku kaloka-loka. buti na lang in love ako sa blog mo.
mwah!
Pareho tayong isandaan ang baon noong college. Malaki na sa akin yon dahil kadalasan may kotse akong dala.
Eniwey, malayo pa rin ang nararating ng isandaan ngayon pagdating sa pagkain. Sa Something Fishy lang sa Eastwood ay may eat-all-you-can breakfast sila mula 12midnight hanggang 10am sa halagang P80 lang.
Doon nababagay ang maabilidad mong kaibigang si Josh. Iwasan niya lang ang tapang nakaka-umay.
@josa -- haha! naguluhan ka ba? wag kang mag-alala, hindi naman dun natatapos yun. naisip ko lang kasi na marami sa mga ikukwento ko dito ay may kinalaman sa halaga noon ng piso. pero naisip ko rin na hindi naman pala ganun katagal yun para isa-isahin ko pa. sapat na yung sinabi ko na napagkasya ko ang mga pangangailangan at luho ko noon sa halagang P100. hindi ko alam kung magagawa pa yan ngayon ng isang estudyante sa kolehiyo.
@ms. debauched -- oo nga, malaking halaga pa rin ngayon ang P100. pero naisip ko nung estudyante pa ako, sa baon ko pa kinukuha ang pang gas ko. biruin mo yun? sa tira na lang ng baon ko noon kada linggo, nakakadala na ako ng kotse araw-araw at nakakagimik pa ako halos linggo-linggo. :)
sayang nga wala na sa pilipinas si josh. matutuwa yun kapag binalita ko sa kanya na may eat-all-you-can pala dito na P80 lang. ngayon ko rin lang nalaman yun. kailangan lang talagang maging maabilidad ka. hehe.
@teepsee at krayola -- pwede bang malaman kung magkano ang karaniwawang baon ngayon ng mga estudyante sa kolehiyo?
wihee may bagong chikahan nanaman. kami rin ng mga kaibigan ko pa-fast-food-fast-food na lang no'ng mga unang linggo ng pasok pero sa kalaunan napansin naming lahat na nakakasugat pala sa bulsa ang puro 50-100pesos na pangkain lang. Kaya ayun sa mga ordinaryong kainan na kami kumakain madalas 'pag nasa Recto ako. Tsk, dami d'on. Pati basura libre.
200 pesos ang kasalukuyan kong baon ngayon araw-araw pero mas madami sa aming klase ang 150 ang baon nila. minsan nga naisip ko kain lang at gravy ng KFC na lang kainin ko tutal solb na ako d'on pero hindi naku 'di p'ede, nagpapataba talaga ako. heheh :P
Grabe! P200 na baon araw-araw samantalang P300 naman ang minimum daily wage ngayon.
Mas masarap talagang maging estudyante.:-)
doble na pala ang baon ngayon kumpara sa baon natin noon ms. debauched. napaghahalata tuloy ang edad natin. hehe. ang sarap ngang maging estudyante. hindi ko nga alam kung bakit hindi ako makapaghintay na magtapos noon eh.
krayola, ok lang naman atang tsibugin ang gravy sa KFC... basta dine in. nung minsan kasing nag-take out diyan ng manok (duh!) ang tatay ko, nagtaka siya kung bakit regular gravy lang ang binigay sa kanya. kaya humingi siya sa manager ng large gravy. ang sabi nung manager may dagdag na bayad daw yun. tinanong siya ngayon ng tatay ko, "bakit may dagdag? eh yung kumakain nga dito halos painumin niyo na ng gravy." sinagot siya ng manager ng, "kasi may halo po yun eh." true story. :)
Yun din sana ang sasabihin ko kaya lang ayoko nang idiin pa ang edad natin.:)
Kaya nga ako nagbalik sa unibersidad noong 2000 para tapusin ang kurso ko dahil sa baon na yan eh. Sinagot kasi ni lola ang allowance kong P3000/month eh apat na beses lang naman isang linggo ang pasok ko. Kadalasan pa, nasa sinehan lang ako.hehe
Uy mga estudyante, 'wag pamarisan.
ehehe, matakaw talaga ako sa gravy e, kahit dine-in 'yung medium-sized (large minsan 'pag wala 'yung medium) ang inoorder ko para lang sa kanin. akalain mo nga naman minsan tanungin ba raw ako ng kahera kung ayaw ko ba raw ng regular gravy na lang tutal na-re-refill naman. sabi ko ayaw ko sabay nagtaka ako kung ayaw ba n'ya kumita 'yung pinagta-trabahuan n'ya.
sa bagay, ba't nga ba ayaw ko ng regular na lang. hahaha XD wala lang
Siomai! try niyo Fili Deli siomai. May pork at chicken siomai. http://filideli.wordpress.com. sa makati to :)
Post a Comment
<< Home