Uy, Naliligaw Ka Ba? :-)

Thursday, August 24, 2006

"importansya ng cellphone"

Hindi tungkol sa kahalagahan ng cellphone and entry na ito. Kung ganon, bakit ko siya nilagay? Nakita ko kasi sa aking blog log na may naghanap sa Yahoo tungkol sa "importansya ng cellphone" at dinirekta siya dito sa blog ko. Hindi naman siya nagtagal. Napansin niya siguro na walang kinalaman sa cellphone ang mga pinagsusulat ko dito. Estudyante kaya yun? Kawawa naman. Kailangan pa niyang hanapin sa internet ang mga dahilan kung bakit importante and cellphone.

Pero meron akong sasabihin sa inyo. Nag-charge ako ng cellphone kanina. Eh ano ngayon di ba? Nabanggit ko yan dahil ang huli kong charge ay noong Hulyo 14 pa. Natatandaan ko pa dahil kaarawan yun ng kuya ko. Pagkatapos ko mag-charge, binati ko siya sa text ng "Happy birthday bro!" sabay patay sa aking cellphone. Agosto na nang buksan ko ulit ang cellphone ko. Pero hindi pa rin tuloy-tuloy. Mas madalas pa rin siyang nakapatay kaysa nakabukas. Binubuksan ko lang siya para tingnan kung may importanteng mensahe para sa akin at para makatawag ako pero pagkatapos noon ay pinapatay ko na. Nagulat nga ako kanina kung bakit nag-lowbatt na siya eh. Akala ko sa isang linggo pa ako magcha-charge.

Bakit ko ginawa yun? Wala lang. Naisip ko lang na gusto ko munang mag-isa para makapagmuni-muni at hindi ko magagawa yun kung hahayaan kong nakabukas ang cellphone ko. Nakakasuka na kasi minsan ang teknolohiya. Hindi na ako makapagtago ulit tulad noon. Dati-rati kapag ayokong naiistorbo, magbibilin lang ako na pag may maghanap sa akin sabihin na "natutulog ako" o kaya naman "wala ako sa bahay". Ngayon hindi ko na nagagawa yun. Natutulog ba? Ite-text ka ng "col me." Wala sa bahay? Ite-text ka ng "wru?" Kaya napagpasyahan ko na patayin na lang ang aking cellphone para tapos na ang usapan.

Na-miss ko tuloy yung panahon na hindi pa laganap ang cellphone. Dalawa lang sa barkada namin noon ang meron, de-saksak pa sa kotse. Ang dali tuloy mang-indian ng gimik. Kung tinamad ka, eh di wag kang sumipot. Tsaka ka na magpaliwanag sa mga kaibigan mo, kesyo hindi maganda ang iyong pakiramdam o kaya naman sumabit ka. Ang importante, hindi ka nila na-istorbo nung gabing yun.

Naalala ko tuloy noong minsang nagkayayaan kaming lumabas ng mga kabarkada ko. Apat lang kami noon -- ako, si Tenten, si Daniel at si Orange. Nagkita muna kami sa isang party at pagkatapos ay nagdesisyon si Orange na mag-"J.R." (Jazz Rhythms) daw kami. Paborito naming puntahan noon ang Jazz Rhythms. Hindi ko alam kung bakit. Siguro dahil nasa Greenhills siya. At dahil mayabang pa kami nung mga panahong iyon dahil mura pa ang gas, kanya-kanya kaming dala ng kotse. Una kaming dumating doon nina daniel at orange. Nagdaan ang isa, dalawang oras pero wala pa rin si Tenten.
At dahil wala pa kaming mga cellphone, hindi namin siya matawagan at mahanap. Lumipas pa ang ilang oras. Hindi na talaga dumating si Tenten. Langya! Na-indian kami.

Sa paaralan na namin siya ulit nakita. "Huy! bakit mo kami in-indian?!" ang galit na tanong ko sa kanya.

Pero nagulat ako dahil galit din siya nung sabihin niyang, "Kayo nga etong wala eh!"

Nagtaka tuloy ako, "Bakit? Saan ka ba pumunta?"

Pasigaw siyang sumagot sa akin ng, "sa R.J.!"

* * * * *

Dito na nagtatapos ang aking kwento. Napag-alaman namin na nagsasabi pala ng totoo si Tenten. Kung hindi mo alam kung saan siya nagpunta, itanong mo na lang sa magulang mo.

8 Comments:

Blogger Krayola said...

Yes ako unang makiki-apila :P

waw naman biruin mo sa dinadami-dami ng mga search results ng google, 'yung blog mo pa ang napili niyang puntahan. lol sa akin din e may nagsearch ba naman ng "pagpaparetoke" sa google at sa blog ko napunta. XD

ga'no na ba kasi kayo katanda? ako kahit bata nakaka-relate pa rin sa sinasabi mo lalo na 'yang gimik-gimik na 'yan. oo nga e 'pag may cel ka expected na mag-te-text-ahan kayo bago pumunta sa meeting place. wala tuloy takas 'pag tinamaan ng katamaran. pero siyempre teknolohiya 'yan, may naitutulong.

hindi ko alam kung saan 'yung RJ XD

9:35 AM  
Blogger rob said...

ayoko sanang ipaliwanag kasi yun na yung joke pero dahil lilima lang naman ang nagbabasa talaga ng blog na to (kasama na ako dun), sasabihin ko na rin. ang R.J. o mas kilala sa tawag na BISTRO RJ ay isang sikat na puntahan ng mga groovy people. kung hindi mo pa rin alam ang ibig sabihin ng groovy people tanungin mo na sa magulang mo. hehe. mga kanta mula sa 70s ang kadalasang tinutugtog sa lugar na to. hindi ko nga alam kung anong pumasok sa isip ng kaibigan ko at inakala niyang doon kami pupunta samantalang hindi naman kami "groovy". haha!

siya nga pala, 31 na ako at isa akong katipunero. :)

1:07 PM  
Blogger Ms. Debauched said...

Nakakahiya mang aminin, alam ko ang Bistro RJ. Meron nyan sa Makati Ave. malapit sa Manila Pen. Nakapasok na rin ako dyan kasama ang nanay ko. Ok din naman kahit hindi ko panahon ang tugtog.:)
Yung Jazz Rhythms ang mas kilala ko. Bukod sa panahon ko rin yan, ay halos kapitbahay ko na siya.
Sabi ko na't matanda ako sayo Rob eh. Mga tatlong paligo.hehe

6:28 PM  
Blogger Dos Ocampo said...

grabe, sino kaya yun... hehehehe

anyway, san yung gimik place na un?

1:21 AM  
Blogger David said...

hi! i love reading your blog. keep up the good work!

by the way if you have some time, please pay a visit to my blogsite:

http://demented-online.blogspot.com
hope you'll enjoy reading and if you have any suggestions, comments or violent reactions please tell me

thanks
david

2:28 AM  
Blogger teepsee said...

Ang alam kong RJ eh yung radio station. Hehehe =p

8:51 PM  
Blogger rob said...

@ms. debauched -- oo, dun nga yun! nakapasok na rin ako dun isang beses. pero nagta-trabaho na ako nun. birthday ng tito ko. dun siya nanlibre. hehe. bukas pa kaya yun? bakit kaya hindi na alam ng mga kabataan ngayon ang BISTRO RJ? hindi tuloy bumenta ang joke ko. :P

@dos ocampos at teepsee -- mga bata pa talaga kayo. at least si teepsee alam yung istasyon na RJ. ganun din ang tugtog dun sa BISTRO RJ kaya lang live band. :)

@david -- salamat at naligaw ka sa blog ko. nabisita ko na rin ang blog mo. aliw din siyang basahin. hamo, baka balang araw magnakaw na din ako ng paksa sa yo. wala na akong maisip eh. haha!

12:11 AM  
Blogger Krayola said...

nakuha ko 'yung dyok mo 'wag ka mag-alala, nakabenta ka sa akin. Hindi ko lang alam kung saan 'yang RJ na 'yan pero alam ko na isa siyang lumang lugar at umuso noong panahon mo pa hehe.

7:13 PM  

Post a Comment

<< Home