Uy, Naliligaw Ka Ba? :-)

Sunday, November 05, 2006

in line with luli

Siguro sa ngayon, alam na ng karamihan sa atin kung ano ang nangyari kay Luli Arroyo nung isang araw sa NAIA. Sa mga hindi pa nakakaalam, pwede niyong basahin ang istorya dito at dito. Para naman sa mga walang oras magbasa, eto ang maikling version ng nangyari nung araw na yon:
Luli, accompanied by her sister-in-law, Kakai Manotok-Arroyo, and the latter’s young daughter, was on her way Wednesday to Hong Kong to join her parents, President Arroyo and Jose Miguel Arroyo. The Arroyos were waiting in line at the Bureau of Immigration’s special lane for diplomats and VIPs when Luli saw that the foreigner had cut the line and the immigration officer had started processing his travel documents. Luli went over to the officer and asked why he had allowed the foreigner to get ahead of everyone else. To the surprise of onlookers, the officer snapped at Luli: "Hindi ka ba marunong maghintay (Don’t you know how to wait)?!"
Dahil sa insidenteng yan, biglang bumango ang pangalan ni Luli. Sumikat siya. Naging bayani ng ordinaryong mamamayan na minsan na ring nasingitan sa pila ng mga pa-importanteng tao. Hi Luli, para maipagpatuloy mo ang magandang PR na natatanggap mo ngayon at mas lalong mapalapit ka sa taumbayan, gusto kong irekomenda na gawin mo ang mga sumusunod:
  1. Pumila ka sa mga CR ng SM kahit na ihing-ihi ka na.
  2. Pumila ka rin sa LTO sa tuwing magre-renew ka ng iyong lisensya.
  3. Tanungin mo kung paano nakakasali ang mga artista sa PILIPINAS GAME KNB at KAPAMILYA DEAL OR NO DEAL kahit na hindi sila nagpapadala ng text.
Para naman sa officer na nanigaw sa yo, gusto kong irekomenda ang mga sumusunod na kaukulang parusa:
  1. Mag-utos ng special screening at papilahin siya sa lahat ng sine ng kuya Mikey mo kahit na walang pila.
  2. Paghintayin siya sa tapat ng sinehan at wag papasukin kaagad para makita ng mga tao na fan siya ni Mikey Arroyo.
  3. Wag siyang payagang lumabas anumang oras habang pinapalabas ang sine. Kapag nagpumilit siya, sigawan siya ng "Hindi ka ba marunong maghintay?"
Bago ko tapusin ito, gusto ko lang sabihin na isa kang magandang halimbawa Luli. Kitang-kita na maganda ang ginagawang pagpapalaki sa yo ng iyong lola at lolo.

Wednesday, October 18, 2006

highlight, ctrl+c, ctrl+v

Alam kong may ilang araw na rin akong hindi nakakapag-update. At may ilang araw na rin akong nagbabalak mag-update pero hindi matuloy-tuloy. Kaya naman natutuwa ako sa mga taong tulad ni pEtitE dALusOnG na nag-update na para sa akin. Hello pEtitE! Natutuwa ako sa yo dahil kahit na hindi tayo magkakilala at ngayon lang kita nakita ay naisip mo pa rin ako. Masaya rin ako at nabigyan mo ng karagdagang exposure ang aking 6110. Napakamaaalalahanin mo talaga. Kaya lang pEtitE, medyo may nakalimutan ka ata. Nakalimutan mong isulat ang pangalan ko. Tsaka paalala ko lang, si Jolina yung nag-text sa akin, hindi si Jericho. Gayunpaman, natutuwa pa rin ako dahil kahit sa huling pangungusap ay naipakita mo ang pagka-creative mo. Link-ex?

http://sepiart.blogs.friendster.com/my_blog/2006/10/_mula_nang_isin.html

http://robborabbit.blogspot.com/2006/09/cellphone-cellphone-bakit-ka-ginawa.html

Friday, October 06, 2006

mga pinoy survivor

Paborito kong palabas ang SURVIVOR. Lalo na ngayon dahil may dalawang Pinoy na nakasali sa pinakabagong season nito, ang SURVIVOR: COOK ISLANDS. Gusto ko yung dalawang Pinoy na nakasali -- sila Jenny at Brad -- dahil pareho silang mukhang mabait at karismatiko. Alam kong hindi sa kabaitan nasusukat ang galing ng isang tao sa larong ito. Sa katunayan, ito ang larong nakita ko na ginagantimpalaan pa ang mga sakim at tuso. Pero sa likod ng utak ko, nasa isip ko pa rin na mga Pinoy pa rin sila at dala pa rin nila ang lahing Pilipino at ayokong may gawin sila na maaaring makasira dito. Siguro kung text votes lang ang basehan ng mananalo dito, siguradong panalo na ang dalawang ito.

Magkasama sa iisang tribo sila Jenny at Brad, ang Raro Tribe. Sayang nga dahil hindi sila nanalo kanina sa Immunity Challenge. Hindi kasi kaagad nakagawa ng apoy si Jenny. Nataga pa niya ang kanyang hinlalaki. Kung napalakas-lakas pa yun ng konti, baka hindi na siya makapag-text ngayon gamit ang kanyang kaliwang kamay. Hindi ko nga alam sa mga sumasali dito kung bakit hindi sila nag-aaral ng survivor skills eh. Pinagplanuhan naman nila siguro ang pagsali dito at napanood din naman nila siguro ang mga naunang seasons nito. Hindi ba nila alam na ang pinaka importanteng skill sa SURVIVOR ay ang paggawa ng apoy? Kung walang apoy hindi sila makakapagluto, hindi sila makakapag-init ng tubig at hindi sila makakapag session.

Kung ako siguro ang nakasali doon malamang nanalo kami. Marunong kasi akong gumawa ng apoy. Natutunan ko ito noong minsang nagbakasyon kami sa Baguio. Nagpunta kasi kami ng barkada ko noon sa Crystal Cave. Pero bago kami tuluyang pumasok, kumuha ang tour guide namin isang putol na sanga ng puno. "Aanhin niyo po yan?" tanong ng isa kong kabarkada.

"Gagawa ako ng apoy para may ilaw tayo sa loob," sagot ng aming tour guide.

"Uy!" halos sabay-sabay kaming napasabi. "Gusto kong matuto niyan!" "Ang tagal ko nang gustong matutunan yan!"

Kumuha rin ang tour guide namin ng malaking bato at pinukpok ang sanga. Para raw lumabas ang langis nito at mas madali itong magliyab. Maya-maya pa, may dinukot ang tour guide sa kanyang bulsa, naglabas ng posporo at sinindihan ang sanga. Voila! Instant apoy!

Tuesday, October 03, 2006

cellphone na naman?

Kahit na paborito kong paksa ang cellphone, wala talaga akong kahilig-hilig dito. Sa katunayan, ako ang huling nagka-cellphone sa aming magbabarkada. Nokia 6110 yun, segunda mano pa. Matagal-tagal ko ring napakinabangan yun. May panahon nga na pinagtatawanan na ako dati sa opisina dahil mas maganda pa raw ang cellphone ng messenger namin kaysa sa akin. Nasabi ko kasi noon sa sarili ko na hindi ako bibili ng bagong unit hangga't hindi yun nasisira. Eh lintek naman pala ang tibay nun! Malas nga ng magulang ko dahil hindi ko sila napamanahan ng cellphone. Asa pa. Nainip na nga sila sa kahihintay kaya bumili na lang sila ng sarili nilang unit. Sinuwerte pa nga yung tatay ko dahil napamanahan ko siya ng simcard.

Mga apat na taon ko ring nagamit yung 6110 ko. Nanalo kasi ako ng cellphone sa isang raffle kaya nakapag-upgrade ako ng unit. Pero naisip ko kung hindi pa ako siguro nanalo ng cellphone, hindi pa rin siguro ako magpapalit. Malamang 6110 pa rin ang gamit ko hanggang ngayon. Aba, hindi malayong mangyari yun. Ayus pa rin naman siya hanggang ngayon eh. Ayus ibig sabihin 'gumagana pa rin'. Hindi 'cool'.

Akala ko nga ako na yung may pinakalumang buhay na cellphone eh. Pero mas luma pa pala yung sa kaibigan ko. Nag-upgrade din kasi siya ng unit kaya pinamana niya yung napaglumaan niyang cellphone sa nanay niya. Gaano kaluma? Noong minsang nagsimba ang nanay niya sa Baclaran, dinala nito yung kanyang cellphone para matawagan siya sa oras ng sunduan. Huli na nang malaman ng nanay niya na remote pala ng TV ang kanyang nadala. Ganun kaluma.

Sunday, October 01, 2006

kuya!

Naisip ko lang. Si Kuya Germs kaya talaga ang may ari ng My Gel pens tapos nagkamali lang siya sa spelling ng GIRL?